30 minutes before 2012. I'm reading my last year's post, same time and scenario. Same time? 30 minutes din before 2011, same scenario, dito din nakaupo sa kinauupuan ko, maingay, madaming nagpapaputok sa labas, tulala at malungkot, kung anu-ano na naman ang iniisip ko.
Mga nakalipas na panahon, mga pangyayari sa nakaraan, mga nakilala ko, nagbago sa buhay ko, nawala, umalis, ang naging buhay ko after 365 days. Ngayon, papano ko na naman haharapin ang bagong taon? Ano naman kaya ang mangyayari sa mga susunod na araw? Sinu-sino kaya ang mga makikilala ko? Anu-ano kaya ang magbabago sa buhay ko? Andaming tanong, papano ko ba nasagot ang mga tanong na 'yan last year?
Last year, kagagaling ko lang sa sakit, kakalabas ko lang sa ospital, nagpasko ako na may dextrose sa pulso at sinasalinan ng dugo. Madali lang, pinangako ko lang last year, na babawi ako at babangong muli sa pangalawang buhay ko. Magpapakasaya at i-e-enjoy ang buhay. Mukhang natupad ko naman 'yun, nakatapos ako ng pag-aaral, g-um-raduate ako na walang bagsak. Masaya ako sa mga naging unang buwan ko, madami ako nakilala. Ang career ko sa McDo ay nagpatuloy lang, mas na-enjoy ko ang pagiging isang service crew sa kabila ng pagiging isang degree holder ko, katangahan ba 'yun? Naramdaman ko ang pagiging isang crew chief, nag-train ako ng crew, natupad ko din ang pangarap ko na mag-suot ng maroon na uniform, bilang isang LSM, mag-host ng party, mag-assist ng madaming customer, kumilos na mukhang kagalang-galang dahil sa kurbata. Sabihin na natin na mas madami akong natutunan sa mga araw at buwan na pag-stay ko sa McDo. Mas madami din ako nakilala, mga customers, bagong crew, at mas lalo akong napalapit sa mga kaibigan ko sa McDo, mas lalong lumalim ang relasyon ko sa kanila. At hindi ko pinagsisisihan 'yun. So, hindi pala 'yun katangahan? Hindi katangahan ang pag-stay ko sa McDonald's Cabuyao, dahil masaya ako sa mga ginagawa at na-e-experience ko. Madami akong natututunan.
Pagdating sa pag-ibig, meron ba ako nun? Pag-ibig sa Diyos, masaya ako dahil lalong tumatagal lalong lumalalim ang pananampalataya ko sa kanya, 5 years of service as an LCM Member, limang taon ng paglilingkod sa kanya sa pagpapahayag ng salita ng Diyos,wnapakasarap pakinggan, proud ako, super.
Pag-ibig sa pamilya, bumubuhos, pag-ibig sa mga kaibigan, umaapaw.
Pero pag-ibig sa isang tao, lubusan, sobra-sobra.
Halos wala nang natitirang pag-ibig sa sarili, dahil nasa kanya na lahat, matutulog sa gabi at gigising sa umaga na sya lang ang nasa isip. Gusto ko lagi sya kasama, kasama pagkain, kasama pag-inom, hanggang pag-uwi. Sa kabila nun, sa kabila ng lahat, wala naman ako nakukuha kundi pasakit, sakit sa puso at damdamin. Ako lang ang nagmamahal, ako lang ang may gusto, pero tuloy pa din ako, naubos na din ang pag-asa ko, umiyak na din ako, sawa na ako. Katangahan ba 'yun? Sa araw-araw na magkasama kami, masaya ako, kung saan man kami magpunta, mag-bar, kumain sa Jollibee, makipag-meet sa plaza, maglakad pauwi, makipag-inuman, masaya ako. Masaya ako na kasama ko sya, masaya din naman sya, masaya kami na magkasama. Katangahan ba 'yun? Mahal ko sya, matagal na, alam nya 'yun, masaya ako kapag nasa tabi ko sya, masaya ako kapag alam kong nandyan lang sya sa paligid-ligid kung sinu-sino ang kausap at iniintindi, masaya ako kapag magkasama kami maglakad pauwi, kahit kung anu-ano ang mga kinukuwento nya sakin. Masaya ako kapag magka-text kami, kahit kung sinu-sino ang mga ka-text nya, masaya ako kapag ikinukuwento ko sya sa iba kahit nasasaktan ako sa mga nalalaman ko tungkol sa kanya. Sa kabila ng lahat, 'di ako umaasa, basta masaya ako na minamahal ko sya.
Wala akong pinagsisisihan, dahil masaya ako sa mga ginagawa ko. Kahit sa kabila ng lahat, wala din patutunguhan ang mga ginagawa ko.
Ngayong bagong taon, ipagpapatuloy ko lang ang ginagawa ko, basta masaya ako, basta masaya kami. Ngayong bagong taon, sya lang talaga ang nasa isip ko, alam ko matatanggap ko din kung hanggang saan lang aabot ang pagmamahal ko sakanya. Alam ko, sasaya din ako, 'yung tunay na saya. Hindi 'yung saya na may kasamang sakit, kundi 'yung tunay na saya na alam kong may patutunguhan.
In-e-expect ko na madaming mababago sa buhay ko, madami talaga. Alam ko nasa gitna ako ng isang crossing, 'di ko alam kung saang daan ako pupunta, pero alam ko na Diyos ang nakakaalam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko, dahil sya ang may plano sa akin, alam ko na maganda 'yun, 'di ko pa nga lang alam.